Patay ang isang dalagang Civil Engineering student matapos itong pasukin at saksakin sa loob ng kanilang bahay sa Nafarette Compound, Balongis, Barangay Balulang sa Cagayan de Oro City.
Kinilala ng Carmen Police Station ang biktima na si Kisseah Claire Enclonar, 19 taong gulang na estudyante ng University of Science and Technology of Southern Philippines habang ang suspek kinilala lamang na si alyas ‘Jomar’ na umano’y anak ng isang pulis.

Ayon sa ama ng biktima na si Marjon Enclonar na nag-iisa lamang ang biktima sa kanilang bahay sa panahon na iyon nang biglang pasukin ng suspek at pinagsasaksak.
Napagalaman naman sa imbestigasyon ng Scene of the Crime Operative na nagtamo ng saksak sa dibdib at sugat sa ulo si Kisseah Claire.
Hindi pa matukoy ng pulisya ang motibo sa krimen ngunit pinaniniwalaang nilang lulong sa iligal na droga ang suspek na mabilis tumakas matapos ang krimen.