BNFM BICOL—Mayorya sa mga barangay sa islang lalawigan ng Catanduanes ang walang sapat o halos wala talagang pondo upang mag ‘hire’ ng mga contact tracers.
Ito ang inihayag ni Brgy. Chairman Rudy Tolentino ng Brgy. San Isidro Village sa bayan ng Virac, nasabing lalawigan, matapos ang naging mandato ng DILG hinggil sa pagpapalakas ng COVID-19 case finding at contact tracing sa bawat barangay at komunidad.
Batay kase sa ibinabang Memorandum Circular ng naturang ahensya, hinihikayat ni DILG Sec. Eduardo Año ang mga local chief executives partikular ang mga barangay officials na mag deploy ng isang contact tracer sa kanilang nasasakupang lugar na may hindi bababa sa 5,000 populasyon.
Maliban dito, inirerekomenda rin ng ahensya na dapat ay miyembro ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERTS) ang mga kukuning contact tracers lalo na at ilan sa mga magiging trabaho nito ang maigting na pag monitor sa mga residente na may travel history mula abroad o ibang probinsya, araw-araw na pagbisita sa mga na identify na close contacts at pag monitor sa health condition ng mga ito.
Sa kasalukuyan ay mayroon nang 56 na mga contact tracers ang ideneploy ng DILG sa 11 bayan sa Catanduanes ngunit kung susundin ang mandato ng ahensya, kinakailangan pa ng dagdag na 259 na mga contact tracers upang matupad ang ratio, na isang contact tracer sa bawat barangay na may 5,000 populasyon.###