Hindi na papatulan ng Armed Forces of the Philippines ang umano’y kasinungalingan ng China na nagkaroon ng banggaan sa pagitan ng barko ng Pilipinas at China sa South China Sea.
Inilarawan din nila ito bilang ‘deceptive’ at ‘misleading’.
Bagamat hindi na idinetalye pa ang isinagawang legal humanitarian rotation and resupply mission sa Ayungin Shoal, ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, ang pangunahing isyu aniya rito ay ang iligal na presensiya at mga aksyon ng China sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Binigyan-diin din niya na ang patuloy na agresibong hakbang ng China Coast Guard sa West Philippine Sea ang nagpapataas ng tensyon sa rehiyon.
Sa kabila ng mga hamon, nauna nang iginiit ng AFP ang karapatan ng Pilipinas sa Ayungin Shoal at patuloy na tutugunan ang pangangailangan ng mga sundalong naka destino sa BRP Sierra Madre.
Nananatili namang tikom ang bibig ng Philippine Coast Guard (PCG) sa issue.
Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commo Jay Tarriela, ‘di sila magbibigay ng detalye sa issue dahil hindi ito operasyon ng PCG.