Catanduanes, BICOL– Matapos na i-anunsiyo ng Catanduanes Provincial Veterinary Office na wala nang naitatalang kaso ng ASF sa lalawigan mula nang pumasok ang buwan ng Marso ng kasalukuyang taon, pinahihintulutan na ngayon ang pagdadala ng karne at processed pork products papasok sa islang probinsya.
Ito ay matapos na magkaroon ng kakulangan sa suplay ng karne sa Catanduanes nang ipatupad ng pamahalaang panlalawigan ang “Temporary Ban on Entry of Pork and Pork Products” buhat nang makapasok ang swine virus sa probinsya.
Ganunpaman, may mga kaukulang protocols pa rin na ipapasunod halimbawa ang pag-presenta ng Certificate of Meat Inspection mula sa National Meat Inspection Service para sa mga indbibidwal na magpapasok ng karneng higit sa limang kilo.
Habang resibo naman ang kailangang i-presenta ng mga indibidwal na magdadala ng limang kilo pababang pork products dahil ito ay konokonsidera na lamang na pang personal na konsumo.
Matatandaang dahil sa ASF, ay inihayag ng PVO na sumadsad ang swine population ng Catanduanes ngayong taon at umabot na lamang sa 6,244 ang bilang na ilang beses na mababa kumpara sa 16,065 na swine population nitong 2020.
Paalala ng PVO, hindi pa rin pinahihintulutan ang pagpasok ng mga buhay na baboy sa islang probinsya.###
