Kapitan sa Sorsogon City nagpaliwanag sa nawawalang P100K; dating Brgy treasurer pinapanagot

SORSOGON CITY—Binibigyan na ng solusyon. Ito ang pahayag ng bagong upong Barangay Kapitan ng Cambulaga, Sorsogon City na si Kapitan Erlinda Lacaste sa harap ng hinahanap na humigit kumulang P100,000 na pondo na para sana sa pagbili ng mga gamit para sa Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) program na programa pa ng dating administrasyon.

Una rito ay idinulog sa Brigada News FM Sorsogon ng ilang concerned individuals mula sa nasabing barangay ang umano’y hindi na mahagilap na pondo na ayon sa kanila ay wala namang biniling mga DRR equipment.

Pero sa paliwanag ni Kapitan Lacaste sa panayam ng Brigada News FM, nagkaroon lang umano ng delay sa procurement ng mga nasabing kagamitan dahil naabutan ito ng election ban pero ginagawan na ngayon ng solusyon.

Read More:  14-year-old PWD dies in Cebu house fire

Hindi naman nito direktang masagot kung ano ang ibig sabihin ng ‘ginagawan na ng solusyon’ matapos matanong kung nagkaroon ba ng problema at kailangang solusyunan.

Pero ayon kay Kagawad Gil Jarabelo, na encash na ng dating Barangay Treasurer ang pera pero wala namang supply ng mga kagamitang naideliver sa barangay kung kaya ito sa ngayon ang hinahabol nila.

Pinaresign na rin umano nila ito dahil sa mga isyung kinakaharap pero hindi umano nila kukonsintihin ang pagkakamali nito lalo pa at ang bagong administrasyon ang namomroblema ngayon sa isyu. Anya, kung hindi ito makikipagkoopera sa konseho ay mapipilitan silang gumawa ng aksyon na maaaring mauwi sa paghahain ng kaso.

Read More:  Man killed in riding-in-tandem attack at Bacolod computer shop

Ayon kay Jarabelo, may ilan nang gamit na nabili at ilan pa sa mga kailangang bilhin ay ang mga electric fan at ang mga signages sa mga purok at departamento ng barangay.

Tinatayang aabutin pa umano ito ng P60,000. Mababatid na nagkaroon ng bagong kapitan ang barangay matapos na manalo bilang konsehal ang dati nitong kapitan na si Councilor Ma. Teresa Perdigon.

Pero una nang nilinaw ni Kagawad Jarabelo na naging maayos ang turnover sa kanila at walang unliquidated funds na naiwan.

Ang naging problema lamang umano ay ang hindi nabiling mga ekipahe sa kabila nang na encash na ang pera para rito.###