Kamara kay ex-pres Duterte, pasado kami sa COA!

Iginiit ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na handa itong sumailalim sa auditing ng Commission on Audit.

Tugon ito ni House Secretary-General Reginald Velasco sa hamon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ilabas ang liquidation nito kung paano ginastos ng mga kongresista ang pera ng taumbayan.

Tinawag kasi ng dating pangulo na pinaka-bulok na institusyon ang Kongreso.

Pero ayon kay Velasco, ang Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Martin Romualdez ay sumasang-ayon sa pahayag ni Duterte na dapat maging transparent at fully auditable ang gastusin ng pamahalaan.

Lahat aniya ng line items sa budget ng Kamara ay regular na sumasailalim sa accounting at auditing rules and regulations.

Ibinida rin ng opisyal ang pinakahuling COA report noong October 2 na nagdedeklarang walang disallowances, notice of suspension at notice of charge ang House of Representatives.

Ibig sabihin ay pasado sa COA audit ang Kongreso.

Muli namang nilinaw ni Velasco na walang confidential at intelligence funds ang Kamara, taliwas sa mga kumakalat na impormasyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *