CAMARINES NORTE- Pinatitiyak ng Provincial Health Office sa mga school head at guro ang kaligtasan at kalusugan ng mga estudyante sa pagbabalik eskwela.
Ito ay sa harap na rin ng posibleng mga sakit na dumapo sa mga bata lalo na ang dengue lalo’t sasapit na naman ang “ber months”, ang panahon kung kailan madalas ang ganitong sakit dahil sa mga pag- ulan.
Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco, tiwala siya sa kahandaan ng mga eskwelahan lalo’t nakita naman umano niya kung paano pinaghandaan ng mga ito ang pagbubukas ng klase sa pamamagitan ng Brigada Eskwela.
Hinimok ni Francisco ang mga eskwelahan na gawin ang 4 o’clock habit, panatilihin ang kalinisan at siguruhing walang pwedeng pamugaran ang lamok.
Kung maalala ay pangalawa ang Camarines Norte sa may pinakamaraming kaso ng dengue sa Bicol region noong September 2022.
Nagpaalala rin si Francisco na dapat walang junk foods at processed food na ibinibenta sa mga school canteen dahil masama ito sa kalusugan lalo na ng mga bata.
