SORSOGON CITY – Arestado ang isang Barangay Kagawad sa pamamagitan ng warrantless arrest makaraang makuhanan ito ng hindi rehistradong baril at mga bala sa Brgy Libtong sa bayan ng Castilla, Sorsogon.
Kinilala ang suspek na si Rey Lazarte Mars, 41-anyos, may kinakasama at naninirahan sa nasabing barangay.
Ayon sa ulat, bandang alas 2:00 ng hapon inaresto ng pinagsanib na puwersa ng Sorsogon Provl Special Operations Unit (SPSOU), Castilla Police at ng 1st at 2nd Provl Mobile Force Company ang suspek.
Sa nakuhang ekslusibong impormasyon ng Brigada News, isang tip umano ang natanggap ng SPOU na ang opisyal ay may dalang baril at nang berepikahin ang impormasyon ay naaktuhan nilang may dala ngang baril ang nasabing suspek.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang ARMSCOR caliber 38 revolver na kargado ng 6 na bala na nakalagay pa sa itim na holster at tatlo pang ekstrang bala.
Ang suspek ay nasa kustudiya na ngayon ng Castilla Police at inihahanda na ang kaukulang asuntong isasampa dito.
