Hinikayat ni Governor Rodito Albano III ang mga kabataang Isabeleño na kumuha ng agriculture degree kasabay ng selebrasyon ng 2021 Buwan ng Kabataan at 22nd International Youth Day.
Ayon kay Isabela Gov. Albano, maaring kumuha ng kursong pang-agrikultura ang mga incoming college freshmen sa Isabela State University dahil patuloy naman umano ang pagbibigay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ng scholarship sa ilalim ng BRO-Education program.
Ito umano ay upang madagdagan ang mga kabataang makatutulong sa pagpapaunlad ng ekonomiya sa sektor ng agrikultura, tap agricultural-based enterprises at upang makamit ang layunin ng pamahalaan sa food security program.
Hinikayat naman ni Vice Governor Bojie Dy ang mga youth leaders na magtatag ng community garden, muling buhayin ang tradisyon sa pagtatanim ng sariling pagkain at iparating sa kapwa mga kabataan ang importansiya ng wastong nutrisyon.
Magugunita na naglabas si DILG Provincial Director Engr. Corazon Toribio ng memorandum noong August 5, 2021 para sa mga local youth development officers at SK officials sa probinsya ng Isabela na kinakailangan ang kanilang aktibong partisipasyon sa isang buwang selebrasyon ng Buwan ng Kabataan.