Kabaong na nakaharang sa gitna ng kalsada sa Nueva Ecija, ikinatakot ng mga motorista

Nueva Ecija— Ano ang una mong gagawin kung habang nasa kalagitnaan ka ng paglalakad o pagmamaneho sa isang madilim na lugar ay bigla kang nakakita ng kabaong na nakaharang sa iyong dinaraanan? Maiihi ka kaya sa takot o mapapatakbo dahil sa hilakbot?

Ilang linggo pa bago ang Halloween, tila nauna nang makaranas ng katatakutan ang mga motorista sa isang bayan sa Nueva Ecija.

Habang nasa kalagitnaan kase ng pagmamaneho ang motoristang si Bonifacio Guansing, nitong madaling araw ng Martes sa bayan ng Aliaga, Nueva Ecija ay napahinto na lamang siya nang mapansin ang isang puting kabaong na nakaharang sa gitna ng kalsada sa Aliaga Public Cemetery.

Walang ilaw at madilim ang bahaging iyon ng kalsada sa sementeryo kaya’t talaga namang mangingilabot ang sinumang makakakita ng naturang kabaong sa dis-oras ng gabi.

Ayon pa kay Guansing, huwag naman sana umanong gawing biro ang paglalagay ng kabaong sa kalsada bilang respeto sa yumaong humimlay doon.

Hindi rin aniya ito magandang lalo na at pwede itong maging sanhi ng aksidente at ikapahamak sa kalusugan lalo na ng mga taong may sakit sa puso.

Samantala, magsasagawa naman ng imbestigasyo ang kapulisan hinggil sa insidente upang malaman kungb sino ang naglagay ng kabaong sa gitna ng kalsada.### JUMEL DELA ROSA