Nanatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signals sa ilang lugar sa Luzon sa gitna ng pagkilos ng Tropical Storm Jolina sa coastal waters ng Zambales.
Sa severe weather bulletin ng PAGASA kagabi ay itinaas nito ang Signal No. 2 sa western portion ng Tarlac, western portion ng Pampanga, Zambales, at Northern Portion ng Bataan.
Isinailalim naman sa Signal No. 1 ang Pangasinan, natitirang bahagi ng Tarlac, Nueva Ecija, southern portion ng Aurora, nalalabing bahagi ng Pampanga, nalalabing bahagi ng Bataan, Bulacan, Metro Manila, Rizal, northern portion ng Quezon, Cavite, western portion ng Laguna, western portion ng Batangas at Lubang Islands.

Ayon sa PAGASA, asahan na sa susunod na 24 oras ang katamtaman hanggang sa mabigat, at kung minsan ay matinding buhos ng ulan sa Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija, Bulacan, Aurora, Pangasinan, Cavite, at Batangas.
Nagbabala rin ang PAGASA na posibleng maranasan sa mga nabanggit na lugar ang malawakang pagbaha at landslides.
Huling namataan ang tropical storm sa coastal waters ng Zambales, ngunit bumilis ang kilos nito papunta sa hilagang-kanluran na direksyon sa 20 kph mula sa dating 15 kph.
Inaasahan naman ng PAGASA na lalabas mula sa Philippine Area of Responsibility ang bagyong Jolina mamayang gabi.