John Arcilla, ikinatuwa ang pagkakasama ng kaniyang pelikula sa Venice Int’l Film Festival

Hindi naitago ng aktor na si John Arcilla ang kaniyang kasiyahan mula sa official announcement ng 78th Venice International Film Festival noong Lunes kung saan ay nakapasok ang kaniyang pelikula na “On the Job: Missing 8” bilang isa sa 20 entries na mag-aagawan sa mga international titles.

Sinabi ni Arcilla na nakaka-proud na kinilala ng isang prestihiyosong festival ang kanilang pelikula.

Ipinunto rin ni Arcilla na nakakataba ng puso na pasok sa standards ng Venice, na isa sa apat na pinakamalaking global festivals sa buong mundo, ang kanilang pelikula at masaya rin siya para sa kaniyang direktor na si Erik Matti at producer na si Dondon Monteverde.

Ibinahagi naman ni Arcilla na tatlong taon rin sila nagsakripisyo para matapos ang nasabing pelikula, at sa katunayan ay naabutan pa sila ng pandemya.

Sa sequel ng “On the Job” ay ginampanan ni Arcilla ang papel ni Sisoy, na isang radio journalist na naipit sa mundo ng krimen at politika.

Kasama ni Arcilla sa pelikula ang iba pang mahuhusay na aktor kabilang na sina Christopher de Leon, Dennis Trillo, at iba pa.

Base ito sa totoong mga pangyayari tungkol sa isang journalist at preso na napilitan kwestyunin ang kanilang katapatan sa isang lokal na politiko matapos biglang maglaho ang walong katao na walang kahit anong bakas.