Sumuko na sa awtoridad ang PBA player na si John Amores at ang 20-anyos na kapatid nitong lalaki matapos barilin ang nakainitan nito sa larong basketball sa Lumban, Laguna.
Nakunan ng CCTV ang pamamaril. Sakay ng motorsiklo si Amores at may bitbit na baril.
Bumaba ito at hinabol ang isang lalaki at pinaputukan.
Hindi naman tinamaan ng bala ang lalaki.
Away-basketball ang pinag-ugatan ng pamamaril.
Dumayo raw sa Brgy. Salac ang magkapatid na Amores para maglaro ng Basketball at sa kasagsagan ng laro ay nakainitan ang dalawa pero naawat din kalaunan.
Reklamong attempted murder ang kakaharapin ng magkapatid na Amores.
Matatandaan noong 2022 nang mag-amok at nanuntok si Amores na noo’y player pa ng Jose Rizal University sa gitna ng laban nila kontra College of St. Benilde sa NCAA.