Sinibak na sa serbisyo si P/Major Allan De Castro, ang pulis na itinuturing na pangunahing suspek sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon.
Ayon kay Police Regional Office 4A Regional Director PBGen Paul Kenneth Lucas, epektibo ang dismissal ni De Castro nitong January 16, 2024.
Ito’y makaraang mayroong malakas na ebidensiyang nakita ang regional internal affairs service o IAS sa administrative case o conduct unbecoming of a police officer na kanilang isinampa laban kay Major de Castro.
Kabilang na rito ang extramarital affair niya kay Camilon na pinatunayan ng mga ebidensiyang kanilang nakalap kabilang na rito ang sinumpaang salaysay ng kaibigan ng beauty queen.
Dahil dismissed na from the service, sabi ni BGen Lucas, wala nang rason para i-restrict pa ang mga galaw ni de Castro.
Nilinaw din niyang ang isinampang administrative action ay bukod pa sa nagpapatuloy na criminal investigation laban sa pulis.
Samantala ,sa patuloy na paghahanap kay Camilon , patuloy ang panawagan ng mga awtoridad sa mga makakakita at makapagtuturo sa kinaroroonan nito para maresolba na ang kaso nito.