CAMARINES NORTE – Tapos na at operational na rin ang Met Mast na itinayo sa bayan ng Jose Panganiban Camarines Norte.
Ito ang inihayag ng Vice Mayor ng nasabing bayan na si Roy Kuatro Padilla.
Aniya, operational na ang itinayong Measurement Tower o Met Mast na gagamitin para sa isang taong pag-aaral ng kondisyon at lakas ng hangin sa lugar na planong pagtayuan ng proyektong Windmill sa nasabing bayan .
Inaasahan na lilikha ito ng maraming trabaho sa lalawigan, sa oras na magsimula ang konstruksiyon nito sa unang quarter ng taong 2025.
Sa paliwanag ng bise alkalde, mangangailangan umano ng maraming mga trabahador sa pagtatayo ng tatlumput isang malalaking wind turbines ng planong windmill ng mga kompanyang Mirus Wind Energy Corporation (MWEC) at Vena Energy Philippines.
Ang windmill ay kabilang sa mga pangunahing programa ng kasalukuyang administrasyon na layong makatulong ang naturang proyektong pang-enerhiya para mapababa ang singil ng kuryente sa probinsya at makatulong sa pag-unlad ng ekonomiya ng lalawigan.
