Itaewon tragedy, iniimbestigahan na

Binuksan na ng South Korean Police ang imbestigasyon hinggil sa trahedyang stampede sa Itaewon District na nagresulta sa mahigit 150 na mga namatay.

Maliban sa overcrowding, hindi pa rin kasi tukoy sa ngayon ang mismong dahilan ng stampede.

Ayon sa mga otoridad, iniimbestigahan na nila ang dose-dosenang CCTV footages na maaaring nakahagip sa mismong pinagmulan ng insidente.

Kinukuhaan na rin ng testimonya ang dose-dosenang mga survivors.

Sa ngayon, nasa national state of mourning na ang South Korea at naka-half mast na rin ang mga watawat sa mga tanggapan ng Gobyerno.

Pansamantala na rin munang kinansela ang pag-era ng ilang mga Korean Dramas dahil sa trahedya kabilang na ang Monday-Tuesday drama na ‘Cheer Up’.

Hindi na rin muna sasahimapapawid ngayong linggo ang ilang mga KPop music shows gaya ng ‘Inkigayo’, ‘The Show’, ‘Show Champion’, ‘M Countdown’, ‘Music Bank’ at ‘Music Core’.

Una nang kinumpirma ng Philippine Embasssy sa South Korea na walang Pilipinong nasawi o nasaktan sa insidente.

Matatandaaang taunang tradisyon na ang pagsasagawa ng Halloween party sa Itaewon kung saan ay dumadayo pa ang iba’t ibang mga bansa para dito magdiwang ng Halloween.