Iminungkahi ni PBA Party-list Representative Margarita Nograles sa Department of Education na isama sa national history curriculum ang isyu sa West Philippine Sea, UNCLOS at ang napanalunang arbitral ruling.
Layon nitong palakasin ang kabatiran at pang-unawa sa territorial integrity ng bansa.
Ayon kay Nograles, ang pagtuturo sa mga kabataan ukol sa mahahalagang isyu na may kinalaman sa territorial claims ay magpapalawak sa kanilang kaalaman at responsibilidad.
Ipinunto nito na mahalagang sandali sa kasaysayan ang 2016 UNCLOS arbitral ruling kung saan pinagtitibay ang sovereign rights sa inaangking teritoryo ng China.
Marapat lamang aniya na magkaroon ng komprehensibong pagtuturo hinggil sa “landmark decision” sa territorial disputes sa mga paaralan.
Binigyang-diin din ng kongresista na mabibigyan ang mga mag-aaral ng malalim na pang-unawa sa geopolitical landscape ng Southeast Asia at ang kahalagahan ng paggiit sa rule of law sa usapin ng international relations.
Bukod dito, kailangan umanong mabuksan ang kaisipan ng mga kabataan sa legal at historical context ng territorial claims upang lalong sumidhi ang pagkilala sa pagsisikap ng gobyerno at diplomats sa pagtatanggol sa soberanya.