Nagpaabot ng pakikiramay ang ISU College of Law sa pamilya ng nasawing law student matapos malunod sa karagatang sakop ng Dinapigue, Isabela noong March 27, 2022.
Ang nasawi ay kinilalang si Justin Gabriel Llana, Certified Law Student Practioner, 30-anyos, may asawa at residente ng Paddad, Alicia, Isabela.
Sa pahayag ng ISU Legal Aid Clinic, si Llana ay kasama sa isinagawang outreach program upang magbigay ng libreng legal assistance sa mga residente ng coastal town ng Dinapigue noong March 26, 2022.
Batay sa ulat ng PNP Maconacon, ang biktima kasama ang kaniyang kapuwa law student ay nagkayayaang maligo sa dagat nang biglang humampas ang malalakas na alon ng tubig.
Nagawa pang mailigtas ng mga mangingisda ang kasama nitong si Ariel Lioad subalit bigong maiahon si ang katawan ni Llana na pinaniniwalang lumubog sa ilalim ng dagat.
Ipinagbigay-alam naman sa kapulisan ang naturang insidente kung saan agad nagsagawa ng rescue operation ang mga kasapi ng PNP, MDRRMO at mga mangingisda.
Narekober ng mga otoridad ang wala nang buhay na katawan ni Llana pasado ala-1:30 ng hapon.
Ayon pa sa ISU Legal Aid Clinic, Ginugol nito ang mga huling sandali bilang isang certified law student practitioner sa pagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan ng Dinapigue.
Humingi rin ng dasal ang pamunuan para sa pagpapalakas sa naulilang pamilya ni Llana.