BNFM BICOL— Nanawagan ang Catanduanes Medical Society sa lahat ng mga lokal na pamahalaan at mga law enforcement agencies sa islang lalawigan, na istriktong ipatupad sakanilang mga nasasakupan ang mga COVID-19 protocols, mag-iisang linggo makaraang isailalim sa Alert Level 4 ang probinsya.
Ayon sa CMS, aminado umano silang hindi na kakayanin pa ng health sector ng probinsya kung hindi mapipigilan ang patuloy pang pagdami ng mga tinatamaan ng sakit, at kung hindi mako-kontrol ang ‘critical status’ ng probinsya sa COVID-19 na maaaring mag resulta sa tuluyang pag collapse ng kanilang healthcare system.
Kaugnay nito, hiningi ng mga doktor at medical front liners sa bawat LGU at sa lahat ng mga law enforcement agencies, na higpitan ang pagpapasunod ng quarantine protocols sa mga residente.
Ito umano ay sa kadahilanang isa sa pinakamahalagang factor sa pagpapababa ng kaso ng sakit sa lugar ay ang pagkakaroon ng disiplina ng publiko sa pagsunod sa mga kaukulang alituntunin.
Bukod dito, nanawagan din ang grupo ng mga doktor sa mga lokal na pamahalaan na isagawa ang ‘massive targeted testing’ partikular sa mga komunidad na may mataas na kaso ng sakit, liban pa ang pagpapaigting ng contact tracing na kung maaari ay itaas hanggang sa 3rd generation.
Sa buong Bicol, tanging ang Catanduanes lamang ang natatanging probinsya sa rehiyon na nasa ilalim ng Alert Level 4 na tatagal hanggang sa katapusan ng Nobyembre.###