Nakatakda nang i-review ng mga Senador ang ipinatutupad na sin tax partikular na ang karagdagang buwis sa mga sweetened beverages at mga junk foods.
Ito ay matapos ang rekumendasyon ng Department of Health na dagdag-buwis sa mga junk foods at mga pagkaing hindi masustansya para makontrol ang obesity, o labis-labis na timbang sa bansa.
Ayon kay Senate Committee on Ways and Means chairperseon Win Gatchalian – itinakda na ang pagre-review ng Kumite sa naturang implementasyon nito.
Sa ngayon aniya, kailangan na munang makita kung nakatutulong ba talaga ang buwis sa mga sweetened beverages sa pagko-consume ng publiko dito.
Paliwanag ni Gatchalian, apat na taon pa lang kasi mula nang ipatupad ang batas at madalas ay kinakailangan pa ng mas mahabang panahon para tuluyang mabago ang habits ng mga konsyumers.
Para naman kay Committee on Finance chairperson Senador Sonny Angara, kailangan na munang aralin kung dapat pa bang dagdagan ang buwis para rito.
Mayroon na raw kasing umiiral na batas para sa pagbubuwis sa mga sweetened beverages.
Giit ni Angara, bagamat maganda ang intensyon ng rekumendasyon, baka raw hindi pa ito napapanahon dahil sa mabilis na inflation sa bansa.
#
