Simula ngayong araw – umpisa nang muli ang pagpaparehistro ng mga botante na tatagal ng isang buwan.
Dahil diyan, hinikayat ni Commission on Elections (COMELEC) chairperson George Garcia ang publiko na huwag nang hintayin pa ang huling araw ng registration para makapagpatala, at sulitin na ang petsang itinakda ng poll body.
Aniya, maliban sa mga bagong botante ay maaari na ring magpa-reactivate ang mga deactivated voters.
Paliwanag ni Garcia, maituturing na bilang ‘deactivated’ ang status ng isang botante sakali mang dalawang beses na itong hindi nakaboboto.
Nagpaalala naman si Garcia na kung deactivated ang isang botante – reactivation lamang ang dapat nitong asikasuhin at hindi new voter registration dahil isa raw criminal offense ang pagiging multiple registrant.
Kaugnay nito, sinabi naman ni COMELEC spokesperson Atty. John Rex Laudianco na mas pinadali na ang pagpparehistro sa mga bagong botante.
Aniya, hindi na aabutin ng higit sa sampung minuto ang registration at mas marami na ang mga registration sites.
1M new voters, target ng COMELEC
Tina-target ng COMELEC na paabutin sa 1 million hanggang 1.5 million ang mga bagong botante matapos ang pag-resume ng voter registration ngayong araw.
Ayon kay Laudiangco, nais ng COMELEC na matapos agad ang naturang registration bilang paghahanda sa barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre 2023.
Bukod sa regsitration, tumatanggap din ang Comelec ng transfer, reactivation of registration, change and corrections of registration entries, at reinstatement of name sa listahan ng mga botante.
Ipinapaalam din ng Comelec ang “Register Anywhere,” project na maaaring puntahan ng mga kwalipikadong aplikante sa ilang mga malls.
Matatapos ang voter registration sa Enero 31, 2023. // SMM
