Narekober ng Cebu City Police Office ang pinaniniwalaang isa sa mga getaway vehicles na ginamit ng mga tulisan sa naganap na robbery incident noong Agosto 08, 2024 sa dalawang magkalapit na pawnshop sa Calderon Street, Barangay Ermita, Cebu City kung saan natangay ang tinatayang P14M na halaga ng alahas.
Natagpuan ang gray na sasakyan nitong gabi ng Martes, Agosto 13, 2024 sa Zone Ahos, Barangay Paknaan, Mandaue City.
Naaresto ng joint operation ng CIDG at Carbon Police ang driver nito na kinilalang si Marcial Ponesto, 31-anyos na kasalukuyang naninirahan sa Barangay Pagsabungan, Mandaue City ngunit tubong Lanao Del Norte.
Depensa ni Ponesto, may nag-utos lamang umano sa kanya na kunin ang nasabing sasakyan sa isang motel sa lungsod ng Talisay at ipinahatid ito sa Barangay Paknaan.
Sa CCTV footage, makikita ang pagparada ng nasabing sasakyan sa harap ng Interim Building sa Barangay Ermita.
Nahagip rin ng CCTV ang nag-uturn na motorsiklo na pumarada sa likod ng sasakyan maging ang iba pang dalawang lalaking naglalakad na pumasok rin sa nasabing getaway vehicle.
Ayon sa kapulisan, narekober sa loob ng sasakyan ang iilang damit panlalaki, armas at isang maliit na vault.
Sa pagka-aresto ng pinaniniwalaang driver, makokonsidera na itong case solved lalo pa’t identified na rin umano ang ibang mga kasamahan nito.
Aniya, magsasampa na sila ng kaukulang kaso at magpapatuloy ang pagtugis sa ibang mga responsable.