Inter-regional route ng pampublikong bus sa Isabela, pinayagan na!

Pinayagan na ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela ang biyahe ng mga pampublikong bus papasok at palabas sa lalawigan.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Atty. Elizabeth Binag, ang information officer ng lalawigan ng Isabela, Ito ay matapos ang ginawang pagpupulong ni Isabela Governor Rodito Albano III at LTFRB Region Director Edward Cabase noong nakaraang linggo.

Sinabi niya na pinahintulutan na ang point-to-point na byahe ng mga pampublikong bus subalit kailangang nasusunod pa rin ang health protocols sa ilalim ng alert level system.

Read More:  16-year-old alleged gunman linked to Cebu City slaying

Ito aniya upang makarekober din ang ekonomiya ng probinsya at maisagawa ang mga importanteng transaksyon ng mga mamamayan sa labas ng lalawigan.

Matapos aniya ang ginawang pagpupulong ay ipinag-utos ng gobernador ang pag-inspeksyon sa bus terminal sa SM Cauayan City at integrated terminal sa NorthStar Mall sa City of Ilagan para sa operasyon ng Florida Bus na una na ring pinahintulutan ng LTFRB na makabyahe.

Ayon kay Atty. Binag, batay sa assessment ng Public Safety Office ay maayos naman ang pagpapatupad ng health protocols.

Read More:  Duterte slams Tinio over Davao flood complaint, questions Marcos admin silence

Nilinaw din niya na ang nakasasakop na lokal na pamahalaan din ang may supervision sa operasyon ng mga bus sa bawat terminal.

Inihayag pa ni Atty. Binag na inirekomenda rin ng gobernador sa LTFRB Region 2 ang request ng iba pang bus company na makabiyahe na.

Samantala, nakahanda naman umano ang pamahalaang panlalawigan sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero mula sa iba’t-ibang lugar ngayong pinayagan na ang inter-regional route.

Sinabi pa ni Atty Binag na ang mga biyahero ay kailangang may maipakitang vaccination card at may SPASS.