LEGAZPI CITY – Binigyang-diin ng Philippine Statistics Authority (PSA) Bicol na umakyat na sa 7.2% ang naitalang inflation rate sa buong rehiyon ng Bicol.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Conny Baleda, statistical specialist II ng nabanggit na opisina, sinabi niya na batay sa kanilang datos, nakuha ng Camarines Sur ang may pinakamataas na inflation rate na may 7.9%, na sinusundan ng Camarines Norte at Masbate na parehong may 7.2%; sumunod naman ang Sorsogon na may 7.1&; Albay na may 6.6%; habang 5.6% naman ang sa Catanduanes.
Aniya, ang pagtaas ng inflation rate sa rehiyon noong nakaraang buwan ay unang-una dahil mataas din ang annual growth rate ng index ng food at non-alcoholic beverages na nasa 7.8%; at restaurants and accommodation services na nasa 5.7%.
Maliban umano sa dalawang ito, naitala rin ang mataas na annual inflation rate para sa alcoholic beverages at tabacco, clothing at footwear, furnishing, household equipment and routine household maintenance, information and communication, recreation, sports and culture at iba pa.
Noong nakaraang Setyembre, ang nangunguna sa umambag sa pagtaas ng inflation rate sa rehiyon ay ang restaurant, ngunit pagsapit ng Oktubre ay pumangalawa na ito.