Lalo pang bumilis ang inflation rate ng bansa, o’ ‘ung antas ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, sumipa pa sa 6.9% ang inflation ngayong Setyembre – mula sa 6.3% nitong Agosto.

Ito na ang pinakamataas na inflation mula pa noong October 2018.
Palapit na rin ito sa record-high inflation na 7.2% na naitala noong Pebrero taong 2009.
Nananatili naman sa 5.1% ang year-to-date inflation, higit na mataas mula sa target na 4% inflation ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
‘Global Trend’ ang inflation
Mananatiling pangunahing prayoridad ng pamahalaan ang pagtugon sa mabilis na pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa bansa.
Sinabi ni National Economic and Development Authority Socio-Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan na global trend o hindi lamang sa Pilipinas kundi halos buong mundo ang nakakaranas ng mataas na inflation.
Paliwanag ng kalihim, kabilang sa mga pangunahing dahilan ng mataas na inflation ay ang nagpapatuloy na COVID-19 pandemic, exchange rate sa US dollar at iba pa.
Ipinunto niya, malaking rin ang ginagampanang papel ng sektor ng agrikultura para mapanatiling may sapat na pagkain ang bawat Pilipino sa gitna ng mataas na bilihin.
Tiniyak naman ni Balisacan na may suportang nakalaan ang gobyerno para sa mga magsasaka at mangingisda para mapanatili ang dami ng suplay ng bigas, mais, karne at maging ng isda.
#
