Inaasahang maibibigay na ang indemnity claims sa lahat ng mga hog raisers na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) sa lambak ng Cagayan bago ang kapaskuhan.
Ito ang inihayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng Department of Agriculture Region 2 sa naging panayam ng 92.9 Brigda News FM Cauaya.
Ito ay matapos dumating sa rehiyon ang karagdagang pondo na hiniling ng kagawaran na nagkakahalaga ng 161 million pesos mula sa contingency fund sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, inaasahang maibibigay na ang ayuda sa mga magsasakang nai-culling ang mga alagang baboy dahil sa ASF outbreak bago magpasko.
Ayon kay RD Edillo, nauna nang naipamahagi ng DA Region 2 ang nasa P69.8 million sa mga nakamasterlist na apektadong magsasaka sa lalawigan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino.
Subalit dahil kulang ang pondo mula sa Quick Response Fund (QRF) ng ahensya kaya humiling ang kanilang tanggapan ng karagdagang pondo sa opisina ng Pangulo.
Mula aniya sa higit 161 million pesos na ibinaba sa rehiyon 148 million pesos dito ang mapupunta sa lalawigan ng Isabela na pangunahing pinaka-naapektuhan ng ASF.
Sismulan ang distribusyon sa November 23 sa Cauayan City at sa iba pang bayan sa Isabela, isusunod naman ang Cagayan sa December 10 at Quirino Province sa December 14, 2021.
Nasa 4,633 affected hog raisers ang mabibigyan sa Isabela na mayroong 29, 706 culled na baboy, sa Cagayan ay mayroong 258 na hog raisers at 198 farmers naman sa lalawigan ng Quirino.
Paliwanag naman ni RD Edillo na natagalan ang distribusyon ng indemnity claims dahil sa ilang suliranin o technicalities sa pagbaba ng pondo.