Tiniyak ni incoming Defense Secretary Jose Faustino Jr. na pahahalagahan nito ang karapatang pantao sa oras na pormal na itong maupo bilang Kalihim ng Kagawaran.
Sa pahayag, sinabi ni Faustino na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya para irespeto ang human rights at ang pagsunod sa international humanitarian law.
Maliban dito, tiniyak din ng retiradong military official na po-protektahan nila ang soberanya ng Pilipinas.
Ito ay sa gitna pa rin ng patuloy na paggiit ng ilang mga claimants sa teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea.
Pagsisiguro ni Faustino, ni isang pulgada ay wala silang isusukong teritoryo ng Pilipinas.
Magtutuluy-tuloy din aniya ang nasimulang modernization ng Armed Forces of the Philippines para mapalakas pa ang kanilang military capabilities.
Matatandaang itinalagang OIC at senior undersecretary si Faustino at mag-aassume lamang bilang isang ganap na Kalihim ng DND sa oras na matapos na ang one year ban ng mga retired military officials sa Nobyembre.
#