Mula sa kanyang awitin na “Isang Linggong Pag-ibig,” isusulong ng bagong itinalagang board of director ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO na si Imelda Papin, ang konsepto ng “Isang Linggong Serbisyo.”
Sa Bagong Pilipinas program, sinabi ni Papin na layunin niyang palawakin ang naaabot ng tulong ng PCSO sa mga nangangailangang mamamayan.
Aniya, kahit mula Lunes hanggang Biyernes lang ang opisyal na pasok, magpapatuloy ang kanilang serbisyo kahit araw ng Sabado at Linggo.
Paliwanag ni Papin, kadalasan ay medical assistance ang hinihingi ng mga tao sa PCSO, at dagdag pasanin para sa kanila ang maghintay ng karagdagang dalawang araw kapag walang opisina ang PCSO.
Kaya’t isinusulong niya ang tuloy-tuloy na serbisyo upang agad na matugunan ang pangangailangan ng mga tao.
Bukod dito, nilalayon din ni Papin na maaprobahan agad ang mga medical assistance request sa loob ng 24 oras upang mas mabilis na matugunan ang pangangailangan ng mga humihingi ng tulong.