Kinumpirma ng grupong Pasang Masda na marami na sa kanilang mga miyembro na mga jeepney drivers ang tumigil na muna sa pamamasada dahil sa sobrang taas ng presyo ng gasolina.
Ayon kay Pasang Masda National President Obet Martin na bagama’t hindi niya maibigay ang eksaktong bilang karamihan umano sa mga tsuper ay naghanap muna ng ibang mapagkakitaan dahil sa kakarampot na naiuuwi sa pamamasada.

Paliwanag ni Martin halos nasa P100 hangang P150 nalang ang kinikita ng mga jeepney drayber sa walo hangang dose oras na pamamasada.
Dahil dito umapela si Martin na sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board na pagbigyan na sa lalong madaling panahon ang kanilang petisyon na dagdag singil sa pamasahe.
Maliban sa fare hike, isinusulong din ng grupo na bilisan na ang pamimigay ng P6,500 fuel subsidy lalo’t nakaamba na naman ang bigtime oil price hike ngayong linggo.