May ilang tricycle driver pa rin uman sa lunsod ng Cauayan ang dumadaing na hirap kumita kahit inalis na ang number coding scheme at pinayagan na ang dalawa hanggang tatlong pasaherong maisakay.
Magugunitang mahigit isang linggo na simula nang inilabas ang EO Number 86 ng lokal na pamahalaan na nagpapahintulot ng dalawa hanggang tatlong pasahero ang isakay.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay FESADECO Vice Chairman Ronald Lanuza, sinabi niya na may mga dumadaing pa ring mga kapwa niya tsuper na bagaman inalis ang coding at pwede na ang dalawa hanggang tatlong isakay ay bumalik naman ang dating minimum na pamasahe.
Ayon sa ilang tsuper ay mas maganda umano noong may number coding scheme dahil 20 pesos ang pamasahe at may kita hindi tulad ngayon na pinayagan na ang dalawang maisakay subalit hirap umano silang humagilap ng mga pasahero.
Gayunman, sa kabila nito ay mas marami pa rin umanong tricycle driver ang pabor sa bagong guidelines maging ang mga commuter.
Ayon kay Vice Chairman Lanuza, naiintindihan naman niya ang hinaing ng kapwa tsuper sa katunayan aniya ay hiniling din nito noon sa kanilang isinagawang pagpupulong ang pagtaas ng pamasahe sa 15 pesos subalit kailangan pa umano itong pag-usapan sa konseho.
Aniya, nasa diskarte nalang nila kung papaano kumita dibale na’t Christmas season naman ngayon.