Fashion designer student sa San Mateo, Isabela; laking pasasalamat nang manalong Best in National Costume sa Miss Universe 2021 ang kaniyang disenyo

Hindi maipaliwanag ni Mr. Kennedy Jhon Gasper na isang fashion designer student mula sa San Mateo, Isabela ang kaniyang nararamdaman nang tanghaling Best in National Costume ang disenyo nitong isinuot ni Ms. Nigeria sa ginanap na Miss Universe 2021, kahapon, December 13,2021.

Ang nasabing costume na gawa ni Gasper ay hango sa traditional Masquerade ng Southeastern tribe ng Nigeria na kung tawagin ay Mmanwu.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Mr. Gasper, sinabi niya na napaiyak ito habang yakap ang kaniyang ina nang malamang nagwagi bilang Best in National Costume ang suot ni Ms. Nigeria.

Aniya, una na niyang tinanggihan ang alok ni Ms. Nigeria na gawin ang national costume nito para sa national pageant sa kanilang bansa  sa dahilang kulang na ang kanyang oras.

Read More:  Slain rebels in southern Negros responsible for 26 civilian killings since 2025, Army says

Nang manalo na umano si Maristella Okpala sa Miss Universe Nigeria ay muli nitong kinausap si Gasper upang gawin ang kaniyang National costume na irarampa nito sa Miss Universe 2021.

Sa pagkakataong iyon ay tinanggap na umano ni Gasper ang alok ni Ms. Nigeria dahil sapat na ang oras ng kaniyang production team upang mabuo ang costume.

Nagkaroon ng palitan ng ideya si Gasper at Ms. Nigeria para sa gagawing National Costume kung saan umabot ng limang araw bago ito mabuo at nagustuhan naman ng naturang kandidata ang finished product.

Ayon pa kay Gasper, marami siyang kinaharap na problema habang ginagawa ang costume kabilang na rito ang pagbalanse niya ng kaniyang pag-aaral at trabaho, pagpapadala ng costume sa Nigeria at pagbili ng mga materials.

Read More:  Aklan SB member’s home attacked in midnight shooting

Ngunit sa kabila umano ng mga pagsubok na kanilang kinaharap ay malaki pa rin ang pasasalamat nito dahil marami siyang natutunan lalo pa nang manalong Best in National Costume ang kaniyang disensyo.

Sa katunayan aniya ay agad na siyang kinontak ni Ms. Nigeria kung saan nagpasalamat ito kay Gasper at sinabing gusto niyang  maging designer pa rin si Gasper sa mga susunod pang costume ng Nigeria sa ibang patimpalak pagandahan.

Naging daan din umano ang pagkapanalo ng kaniyang disensyo sa Miss Universe 2021 sa pagdami pa ng kaniyang mga customer kung saan nakatutulong ito sa kaniyang pag-aaral at pagtustos sa pangangailangan ng kaniyang pamilya.

Hinikayat naman nito ang mga kapwa estudyanteng may kaparehong talento na huwag papatinag sa sinasabi ng iba kundi magfocus lamang sa gustong gawin.