LEGAZPI CITY – Ilang araw bago ang Pasko at Bagong Taon, puspusan na rin ang paglilibot ng mga tauhan ng Department of Trade and Industry (DTI) Bicol sa mga pamilihan upang i-monitor ang mga presyo ng noche buena products at kung sumusunod ang retailers sa ibinigay na price guide.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Consumer Protection Division Chief Ruben Sombon, sinabi nito na noong una ay mayroong mga nakitang hindi sumunod sa price guide, subalit masaya niyang ibinahagi ngayon na halos lahat ay sumusunod na.
Dagdag pa niya, may ilang retailers sa rehiyon ang nagbebenta ng noche Buena products na mas mababa pa sa kung ano ang nasa price guide ng ahensya.
Umaasa naman ang kanilang tanggapan na lahat ay sumunod at hindi na magpresyo ng higit pa upang hindi na maging kabigatan pa sa mga consumer.
Panawagan ni Sombon, kung may makita man na hindi sumusunod sa price guide, huwag magdalawang-isip na makipag-ugnayan sa kanilang ahensya, sabihin kung anong tindahan nang sa gayon ay ma-evaluate at ma-validate, at isu-submit sa head office upang tawagin ang pansin ng manufacturers na may retailers silang lumalabag.
Samantala, magtatagal lamang ang price guide hanggang Disyembre 31 ngayong taon base umano sa arrangement ng kanilang tanggapan sa manufacturers.