KORONADAL CITY – HINDI lehitimo ang isinagawang national assembly ng Partido Federal ng Pilipinas o PFP kamakailan lang kung saan naghalal ang mga ito ng bagong set ng mga officers at pinalitan si South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr bilang national president.
Ayon kay Governor Tamayo na ‘nuisance’ activity ang ginawang national assembly ng mga dating miyembro at mga inactive members na gusto lamang sirain ang partido.
Hindi din aniya ito kinikilala ng Malacañang dahil maging si President Ferdinand “Bong Bong” Marcos Jr ay walang alam sa naturang pagtitipon. Sa ginanap na national assembly noong December 14, nahalal na bagong president ng PFP si Atty. Leandro Verceles Jr ng Catanduanes. Ngunit, iginiit ni Governor Tamayo na siya pa rin ang lehitimong national president ng PFP at suportado ito ng 98% ng mga officers ng national executive committee, national directorate at mga provincial chairman maliban lamang sa mga regional chairman ng Region 3 at Region 6 na siyang nasa likod ng nasabing national assembly.
Pinauubaya na ni Tamayo sa Comelec ang desisyon kung kikilalanin nito ang mga bagong halal na opisyal ng PFP.
