LEGAZPI CITY – Sa evacuation center na sinalubong ng nasa 16 na pamilya sa lungsod ng Legazpi ang bagong taon matapos na palikasin ng mga otoridad dahil sa naitalang landslide partikular sa Brgy. Buraguis noong nakaraang linggo.
Dalawang palapag na bahay kasi ang nagiba at nahulog sa ilog dahil sa nasabing insidente at ipinag-utos ng barangay na pati ang mga katabing bahay, pinapabakante muna.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Beverly Anne Armeña ng CDRRMO, sinabi nito na agad nakipag-ugnayan sa kanilang tanggapan ang barangay upang humingi ng tulong matapos ang landslide.
Aniya, upang mas maintindihan ang kalagayan ng lupa sa lugar, ang kanilang tanggapan ay nakipag-ugnayan din sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) upang magsagawa ng imbestigasyon.
Lumabas naman sa assessment ng MGB na ang lupang pinagtatayuan ng bahay ay malambot na dahil sa mga pag-ulan.
Maliban dito, lumabas din na ilan sa mga bahay ay mayroon nang mga cracks.
Dahil dito, inirekomenda ng MGB na dapat i-vacate ang lugar dahil sa posibilidad ng landslides na siya ring naging basehan ng mga otoridad sa barangay kasama ang CDRRMO na palikasin ang mga residente.
Kung maaalala, noong nakaraang linggo nang nai-report ang nasabing insidente.