BICOL – HUMINGI ngayon ng pang unawa ang Department of Social Welfare and Development o DSWD-Bicol sa kanilang mga kliyente kaugnay sa pagsasara ng ilan sa kanilang mga tanggapan sa rehiyon.
Simula kasi ngayong araw, Hunyo a-4, pansamantalang isasara partikular ang mga tanggapan ng DSWD Field Office V sa Buraguis at ang Regional Government Center sa Rawis, Legazpi City para isailalim sa disinfection laban sa covid-19.
Gayunpaman, inihayag ng DSWD-Bicol na naghanda sila ng mga alternatibong mga pamamaraan upang hindi labis na maapektuhan ang transaksyon at ilan sa kanilang mga programa.
Ayon sa DSWD-Bicol, ang Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS ay magpapatuloy pa rin sa mga kanilang mga Provincial Operations Offices o POOs.
Habang ng pagkuha naman ng Minors Traveling Abroad o MTA clearance ay isasagawa online, ngunit ang pagbabayad at pag-iisyu umano ng clearance ay ipagpapaliban.
Samantala, magpapatuloy umano ang operasyon ng nasabing mga tanggapan sa araw ng Lunes, Mayo a-7.
Kaugnay nito, patuloy na humingi ng pang unawa at kooperasyon ang pamunuan ng ahensya sa publiko at iginiit na ang kaligtasan at kapakanan ng lahat ay nananatiling kanilang prayoridad.