LEGAZPI CITY – Masayang ibinalita ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Tabaco sa pangunguna ni Mayor Krisel Lagman-Luistro na ilang mga residente sa kanila ang makakatanggap ng mga housing units mula sa National Housing Authority (NHA).
Kinumpirma ng alkalde sa Brigada News FM Legazpi na ito ay dahil sa partnership o pakikipagtulungan ng kanilang tanggapan sa NHA.
Ayon kay Luistro, nasa kabuuang bilang na 2,361 housing units ang inihanda ng NHA na isa sa malalaking proyekto nito sa buong rehiyon, at nasa 1,069 na mga housing units naman ang ibibigay sa mga eligible residents ng nasabing lungsod.
Aniya, ang nasabing proyekyo ay kasunod ng pananalanta ng Bagyong Rolly noong taong 2020.
Naging handa umano ang kanilang tanggapan dahil mayroon silang 20 ektarya ng loteng iprinesenta sa NHA para sa relokasyon ng mga nasalanta maging ang mga nakatira malapit sa 6km permanent danger zone ng Bulkang Mayon.
Sinabi rin ng alkalde, mula sa Office of the Civil Defense (OCD) at DRRM National ang pondong ginamit para sa nasabing proyekto.
Samantala, isasagawa ang turnover ceremony para sa housing units sa darating na Hunyo 14 ngayong taon kasabay ng pagdating ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa lungsod.