LEGAZPI CITY – Nagpatupad na ng asynchronous classes ang ilang mga bayan sa Albay sa mga paaaralan dahil sa mataas na heat index na namataan sa buong lalawigan na umaabot sa mahigit 40 degrees Celsius.
Unang nagbaba ng abiso kahapon ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Libon, kung saan epektibo na ito mula pa kaninang umaga, subalit bago pa ito, may una rin silang abisong nagpapahintulot sa mga mag-aaral na magsuot ng komportable subalit disenteng damit upang maiwasan ang suffocation dala ng init ng panahon.
Maliban dito, nagbaba na rin ng abiso ang lokal na pamahalaan ng Polangui na magkakaroon ng half day face-to-face classes sa lahat ng paaralan sa bayan at nangangahulugan na asynchronous classes na ngayong hapon.
Samantala, ang Bicol University naman ay nag-anunsyo at nagbaba ng abisong hindi muna ire-require ang mga estudyante pati na rin ang mga tauhan ng unibersidad na magsuot ng school and office uniforms dahil sa nararanasang init ng panahon.
Patuloy naman ang paalala ng mga otoridad sa publiko na manatiling hydrated upang makaiwas sa mga heat-related illnesses.