Inihayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na may ilang mga manufacturer ang humihiling na naman ng dagdag-presyo sa kanilang mga produkto.
ito ay kahit wala pang isang buwan ang nakalilipas simula nang ipatupad ng DTI ang price increase sa ilang basic necessities at prime commodities.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni DTI Undersecretary Atty. Ruth Castelo na simula noong May 11 kung kailan nila ipinatupad ang taas presyo sa ilang mga pangunahing bilihin ay may tatlo na muling manufacturer o kumpanya ang nagrerequest ng price increase.
Ilan aniya sa mga humiling ng taas presyo sa kanilang produkto ay ang isang brand ng sabong panlaba at isang brand din ng sardinas.
Kabilang din aniya rito ang pagtaas ng presyo ng Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal.
Sinabi ni Castelo na sa ngayon ay masusi nilang pinag-aaralan ang mga hiling na ito ng manufacturer.
Ipinaliwanag naman ni Castelo na kung 2-10 percent ang itataas sa presyo ng mga nasabing produkto, katumbas aniya ito ng 25 centavos hanggang P1.50.
Samantala, nilinaw naman ng DTI na walang kinalaman ang sahod ng mga manggagawa sa paggalaw ng presyo ng mga pangunahing bilihin.(CLAY MARQUEZ)
#