Nakarating sa kaalaman ng Department of the Interior and Local Government o DILG na may ilang kandidato sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections ang idinadaan daw sa ayuda ang pagbili ng boto.

Sa isang pahayag, sinabi ni Interior Sec. Benhur Abalos Jr., ito ay labag sa batas at mahigpit niyang kinokondena ang iligal na paraan ng pangangampanya at vote buying.
Bukod sa umano’y vote buying, may ilang kandidato rin daw ang gumamit ng oversized campaign posters na hindi nakalagay sa common poster areas.
Sabi ni Sec. Abalos, asahan ng publiko katuwang ang Philippine National Police na patuloy silang magbabantay at aalalay sa COMELEC para sa isang tapat, mapayapa at ligtas na BSKE.
Nauna nang nagbabala ang COMELEC na kahit nanalo ang isang kandidato sa bilangan ay maaaring hindi iproklama hangga’t hindi nareresolba ang reklamong inihain laban sa kanya.