CAMARINES NORTE- Hindi pa rin naaabot ng Camarines Norte ang herd immunity mahigit isang taon matapos simulan ang bakunahan kontra COVID- 19.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na sa ngayon ay nasa 68 porsiento ang immunization coverage sa lalawigan habang sa senior citizen ay nasa 64 porsiento pa lang.
Kailangang maabot ang 80 porsientong mabakunahan sa pangkalahatang target population gayundin sa senior citizen upang maibaba na ang lalawigan sa Alerl Level 1.
Batay sa bagong IATF resolution, mananatili sa Alert Level 2 ang lalawigan simula May 16 hanggang 31.
Kaya naman muling umapela ang PHO sa mga taga Camarines Norte na magpabakuna na kontra COVID- 19 para maibaba na sa Alert Level 1 ang lalawigan.
Paliwanag ni Francisco na malaking bentahe kung nasa pinakamababa nang Alert Level ang isang lugar dahil mangangahulugan ito ng ganap na pagbubukas ng ekonomiya.
“Kami po ay nagsusumamo na sana kayo na hindi pa nabakunahan ay magpunta na po sa mga malalapit nating mga bakunahan para kayo ay mabakunahan, malaking tulong po sa ating probinsiya pag tayo po ay nagpapabakuna ng sarili natin, ng anak natin ng kapatid natin, ng tatay, nanay natin sapagkat po tataas po ang ating accomplishment.”
“Ano po ang mga bentahe kapag tumaas po ang ating accomplishment from Alert Level 2 ang ating probinsiya po ay bababa na po sa Alert Level 1, paano ngayon kapag Alert Level 1 na po tayo, lahat ng economic ano natin, activity ay pwede na po nating gawin dito sa ating probinsiya, wala na pong restriction at lahat po ay open na yung business dito, open na po yung lahat ng mga goverment establishment dito, private establishment, mga resort po natin yan po ay bubuksan na po ng on hundred percent without restriction.”
Ngayong tapos na ang eleksyon ay balak ni Francisco na kausapin muli ang mga Alkalde gayundin ang mga Punong Barangay para sa pagpapaigting ng bakunahan.
Mababa pa umano ang accomplishment ng lalawigan pagdating sa booster dose kaya ito aniya ang pagtutuunan ngayon ng pansin.
Importane umano ang booster shot lalo na ngayong iba’t- ibang Covid variant ang lumalabas.
“Sana ay magtulong- tulong na kami, mag usap usap na kami together with the Barangay Captains para susugin sa kani- kanilang mga barangay sa kaniya- kaniyang mga munisipyo yung hindi pa nabakunahan, yung isang dose pa lang, yung wala pang booster para mabakunahan natin.”
