Ilang bakwit sa Sto. Domingo, Albay – ayaw pang umuwi sa kabila ng decampent order ng alkalde

LEGAZPI CITY – Kahit pa mayroon nang decampment order na inisyu si Sto. Domingo, Albay Municipal Mayor Jun Aguas sa mga Mayon evacuees na nakatira sa labas ng 6 kilometers permanent danger zone ng bulkan, mas pinili pa rin ng ilan na manatili sa evacuation centers.

Ito umano ay dahil sa kanilang takot sa pag-aalburoto ng nasabing bulkan.

Ayon sa ilang residente, mas kampante sila ngayong nasa evacuation center dahil mas delikado kung uuwi pa sila sa kanilang orihinal na tahanan bunsod din ng banta ng ash fall.

Read More:  Tulfo says leadership change needed to restore Senate dignity

Ayaw na rin nilang maulit ang nangyari nang pumutok ang bulkan noong taong 2018 kung saan sila ay biglaang pinalikas, at delikado lalo pa’t maraming mga bata at matatanda na hindi kayang tumakbo.

Maliban dito, ilan namang mga residente ang gumawa ng shanties o kubo upang maging pansamantalang tuluyan sa gitna ng pag-aalburoto ng bulkan.

Katwiran nila, dibale na umanong walang matanggap na ayuda, basta’t hindi manganib ang buhay dahil sa Mayon.

Read More:  NPA regional committee in Caraga collapses as remaining members surrender

Marami naman umano silang makukuhang mga pagkain tulad ng gulay sa bundok at mga isda sa dagat, basta’t hindi sila babalik sa kanilang mga lugar hangga’t hindi kumakalma ang bulkan.

Samantala, voluntary decampment na lamang ang isinagawa sa nasabing bayan sa kabila ng decampment order alinsunod sa napagdesisyunan sa naging pag-uusap ng alkalde kasama si Gov. Atty. Edcel “Grex” Lagman at Mayor Chino Garcia ng Guinobatan makaraang kwestiyunin ng gobernador ang pagpapalikas ni Aguas sa mga residente kahit hindi naman pasok sa nasabing PDZ. //91.5BNFM LEGAZPI – JULIE RODRIGUEZ-BELLEN