Ika- 112 taong anibersaryo ng kapanganakan ng bayaning si Wenceslao Q. Vinzons ipinagdiwang sa Camarines Norte, Vice President Sara Duterte nagpaabot din ng pagbati

CAMARINES NORTE- Ipinagdiwang sa lalawigan ng Camarines Norte ang ika- 112 taong anibersaryo ng kapanganakan ng bayaning si Wenceslao Q. Vinzons na kilala rin sa tawag na Bintao.

Pinangunahan ni Governor Ricarte “Dong” Padilla ang selebrasyon kasama ang mga opisyal at kawani ng kapitolyo sa Provincial Capitol Ground kaninang umaga.

Ayon sa Gobernador hindi kailangang mamatay sa digmaan para maging bayani sa modernong panahon.

Aniya maipapakita ng mga tulad nilang lingkod bayan ang kabayanihan kung hindi magiging parte ng katiwalian sa pamahalaan dahil sa ngayon ay marami umanong nagrereklamo na napakarumi na ng gobyerno.

Maituturing din umanong kabayanihan ang tamang pagbabayad ng buwis ng mga mamamayan at hindi maging parte ng pagsira ng kalikasan.

Read More:  How This Family Business in GenSan is Modernizing for a New Era of Doing Business

Pinaalalahanan din ng Gobernador ang mga kabataan na tutukan ang pag aaral at pahalagahan ang edukasyon.

Nagpaabot naman ng pagbati si Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa mga Cam Norteño.

Aniya habang nagsusumikap ang bansa na bumangon mula sa pagkakalugmok dahil sa COVID- 19 pandemic ay maalala sana ng bawat isa na ang mga pagkilos ay dapat para sa kapakanan ng kapwa Pilipino sa diwa ng kabayanihan ni Bintao na nag alay ng buhay at nagsakripisyo para sa kapwa

Sabi pa ng Pangalawang Pangulo na ang bawat isa ay mayroong papel na ginagampanan sa nation buiding at agarang pagbangon ng bansa.

Nagpaabot din ng mensahe ng pagbati sina Energy Secretary Raphael Lotilla at ang mga senador na si Chiz Escudero at Sherwin Gatchalian

Read More:  Kabankalan MSMEs prove their mettle at Negros Trade showcase

May mensahe naman ang apo ni Bintao na si Joseph Justin Vinzons sa mga kabataan.

Ayon kay Justin na siyang nagsilbing panauhing pandangal sa programa, sana ay mas kilalanin pa ng mga kabataan hindi lang ang kabayanihan ng kaniyang lolong si Bintao kundi ang iba pang lokal na bayani tulad ni Jose Maria Panganiban at matutunan ang mga halimbawang iniwan ng mga ito.

Aniya maraming mabubuting aral ang mga bayani na maaaring mai apply sa pang araw- araw na buhay ng bawat isa.

Nagpasalamat din ang pamilya Vinzons dahil sa pagmamahal at pagkilalang ibinibigay sa kanila lalo na ng mga taga Camarines Norte.