Kumambyo at nilinaw ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC former spokesperson Lorraine Badoy na hindi naman niya binantaan ang mga Huwes sa kahit na anong paraan.
Matatandaaang sa isang deleted Facebook post, nagbanta at nag-red-tag si Badoy kina Manila Regional Trial Court (RTC) Judge Marlo Magdoza-Malagar at ang asawa nitong si University of the Philippines-Cebu Chancellor Leo B. Malagar.

Ito ay makaraang ibasura ni Judge Magdoza-Malagar ang proscription case ng Department of Justice kung saan ay ipinadedeklarang terorista ang Communist Party of the Philippines o CPP at armed wing nito na New People’s Army o NPA.
Ayon kay Badoy, makasisiguro ang mga Justices sa Supreme Court na wala siyang ginawang pagbabanta.
Kinukundena umano niya ang kahit na anumang uri ng karahasan at ang tangi lang niyang misyon sa kanyang buhay ay wasakin ang CPP-NPA-NDF.
Mababatid na ilang grupo na ng mga abugado, Bar associations, at law academics and deans ang kumondena sa mga naging aksyon ni Badoy.
Nagbabala na rin ang Supreme Court na maglalabas ang kanilang en banc ng karampatang aksyon laban sa dating anti-insurgency agency spokesperson.
Bilang ng mga lawyer group na bumabatikos sa aksyon ni Badoy, nadagdagan pa
Nadagdagan pa ang mga abugado na bumabatikos sa ginawang banta ni Badoy laban sa Manila Judge.
Sa isang panayam, nanindigan si Integrated Bar of the Philippines o IBP president Atty. Burt Estrada na ‘no right is absolute’.
Aniya, maaaring magkaroon ng legal action laban sa mga ‘influencers’ na naglalabas ng mga ganitong uri ng pahayag lalo na’t ang pananalita ni Badoy ay hindi protektado ng batas.
Sinabi naman sa isang pahayag ni Free Legal Assistance Group chairperson Atty. Chel Diokno na dapat ay mapanagot si Badoy kaya naman dapat na itong ma-cite in contempt ng Korte.
Naglabas din ng isang pahayag ang grupo ng mga abugado na kinabibilangan ng mga dean ng iba’t ibang law school sa bansa para kundenahin ang mga aksyon ni Badoy.
Ngayong araw, nagtipun-tipon din ang ilang mga abugado at law students kasama si dating Commission on Elections commissioner, P3PWD party-list Rep. Rowena Guanzon sa lobby ng UP-Law para kundenahin ang pag-atake sa judicial independence matapos ang mga naging banta ni Badoy laban kay Judge Marlo Malagar.
Bago ito, una nang nag-isyu ng babala ang Korte Suprema at sinabing pinag-aarla na ng en banc ang posibleng mga aksyon laban kay Badoy.

PNP, tiniyak ang proteksyon at seguridad sa mga Judge
Siniguro ng Philippine National Police na ligtas at po-protektahan nito ang mga Judiciary members mula sa mga pananakot at banta sa kanilang buhay.
Sa isang pahayag, tiniyak ng PNP ang commitment nila sa pagbibigay proteksyon sa buhay ng lahat mula sa mga banta’t pananakot, kabilang na rin ang mga posts sa social media.
Siniguro nila sa Supreme Court at sa publiko na ang PNP ay palaging kamapi ng batas at mapoproteksyunan nila ang mga miyembro ng Korte.
Sa ganitong paraan ay magagawa ng mga Husgado ang kanilang trabaho at makapaglalabas ng mga desisyon nang walang pangambang gagantihan sila ng mga natalong partido.
Sa hiwalay na pahayag, pinasalamatan ng SC Public Information Office ang naging pangako ng PNP.
Anila, mahalagang malayang makapag-desisyon ang mga Huwes nang walang banta ng paghihiganti – nang sa gayon ay makapagdesisyon sila ng tama, naayon sa batas, at walang kinililingan.
RELATED STORIES:
Korte, binasura ang petisyon ng DOJ na pinade-deklarang mga terorista ang CPP-NPA
DOJ, hindi na aapela matapos ibasura ang petisyon re: CPP-NPA as terrorists
Pagbasura sa DOJ petition, magandang hakbang para matigil na ang red-tagging – Makabayan
