Binigyang-diin ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro na hindi pa pinal ang hatol ng Tagum City Court sa Davao del Norte na nagpapataw sa kanya at sa 12 iba pa ng hanggang anim na taong pagkakakulong dahil sa umano’y pang-aabuso sa mga menor de edad noong 2018.
Ayon kay Castro, puwede pa rin silang umapela sa Court of Appeals at Supreme Court kaugnay sa conviction.
Maaari umano silang maghain ng mosyon sa loob ng 15 days matapos matanggap ang desisyon ng Tagum court.
Maliban dito, sinabi ng mambabatas na hindi niya alam kung makakapag-file sila ng motion for reconsideration sa korte, at desisyon na aniya ito ng kanilang counsel.
Nanindigan si Castro na hanggat hindi pa pinal ang kaso, wala pa itong final conviction.
Mababatid na nag-ugat ang isyung ito noong 2018 kung saan inakusahan sina Castro ng pagtatago ng 14 Lumad minors na mga estudyante ng Salugpungan Ta Tanu Ingkanogan Community Learning Center, Inc.
Depensa naman ng Bayan Muna – ang insidente ay isang ‘rescue mission’ kasunod ng umano’y posibleng military harassment.