Apatnaput isang taon na ang nakalipas nang paslangin si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. sa Terminal 1 ng Manila International Airport na ngayon ay Ninoy Aquino International Airport.
Ngayong kanyang ika-apatnaput isang anibersaryo, nagtipun-tipon ang mga kaanak, kaibigan, mga taga suporta ng yumaong Senador sa Manila Memorial Park sa Parañaque kung saan nagkaroon ng misa.
Nag-alay din ang mga ito ng mga bulaklak at panalangin para sa dating senador.
Nagsagawa naman ng programa ang mga miyembro ng August Twenty One Movement sa NAIA Terminal 1 upang sariwain ang ala-ala at naging ambag ni Aquino sa ating kasaysayan.
Dumating rin si Human rights lawyer Atty. Chel Diokno sa NAIA upang makiisa sa paggunita.
Magugunitang pinatay noong August 21, 1983 sa tarmac ng Manila International Airport si dating Senador Aquino na noo’y kauuwi lamang sa Pilipinas pagkatapos ng kanyang 3 taong self imposed exile sa Amerika.