Naghanda na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol ng mga family food packs para sa posibleng epekto ng low pressure area o kung sakaling maging ganap na itong bagyo.
Ayon kay Marygizelle Mesa, regional information officer ng nasabing tanggapan, nasa kabuuang bilang na 45, 974 FFPs ang kanilang inihahanda para rito.
Aniya, naka-preposition na ang mga FFPs at handa nang ipamahagi kapag hiniling para sa augmentation ng mga local government units.
Ang mga FFPs na ito umano ay naka-standby sa iba’t ibang bodega at isa pang PHP11.1 milyon na halaga ng stockpile para sa repacking bilang augmentation.
Ang stockpile ay para sa 20,000 pamilyang binubuo ng 37, 350 kilo ng bigas; 172, 188 lata ng corned beef; 93,166 lata ng sardinas; 147, 332 lata ng tuna; 282, 610 sachet ng 3-in-1 na kape; at 74, 725 lata ng cereal drink.
Higit pa rito, nakahanda ang PHP5 million standby fund para sa karagdagang pambili ng food packs o anumang kits kung kinakailangan.
Ang bawat FFP ay maaaring magbigay ng pagkain sa mesa sa loob ng dalawang araw para sa isang pamilyang may limang miyembro.