Inaprubahan kahapon ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries ang pag-amyenda sa kontrobersyal na panukalang batas na lilikha ng isang sovereign wealth fund.
Sinabi ng chairman ng komite na si Rep. Irwing Tieng, kabilang sa mga pagbabagong inaprubahan sa House Bill No. 6398 ay ang pagbabalik ng Maharlika Wealth Fund sa orihinal nitong pangalan na Maharlika Investment Fund.
Sumang-ayon ang mga miyembro ng komite sa isang closed-door executive session na rebisahin ang ilang probisyon ng panukala upang matiyak na mayroong mga pananggalang sa paghawak ng mga pondo at pagkakakulong para sa mga lalabag rito.

Ipinagbabawal din para sa iminungkahing Maharlika Investment Corporation na pamahalaan ang anumang kumpanya o negosyong pinamumuhunanan nito.
Inaprubahan din ng panel ang probisyon na magtalaga ng finance secretary sa halip na presidente ng bansa bilang chairman ng Board of Directors ng Maharlika Investment Corporation.
Ang korporasyon ay magkakaroon ng advisory body na bubuuin ng mga secretaries ng budget and socioeconomic planning, gayundin ang national treasurer.
Nauna nang nagpahayag ng pangamba ang ilang mambabatas na mapupulitika ang pondo kung susundin ang naunang probisyon na nagtatakda sa pangulo bilang pinuno ng board.//CA