Malapit na umanong ma-enjoy ng mga Filipino freelance workers ang tax relief at special assistance lanes sa Bureau of Internal Revenue (BIR) sa oras na maging ganap na batas ang panukala na naipasa ng House Committee on Ways and Means.
Mababatid na pinangunahan ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda, na siya ring chairman ng House panel, ang pag-apruba sa amendments sa Sections 19 at 20 ng substitute bill para sa pagprotekta sa mga freelance workers.
Ang Sections 19 at 20 ng unnumbered substitute bill na nagko-consolidate sa House Bills (HBs) 593, 615, 1087, 2212, 2821, 3738, 4557, at 5000, o “An Act Providing Protection and Incentives to Freelance Workers,” ay tumutukoy sa suggested tax reliefs at special assistance lane sa bawat BIR Revenue District Office.
Samantala, wala namang interpelasyon at komento mula sa minority at majority groups ng House of Representatives, habang wala ring pagtutol si Finance Assistant Secretary Juvy Danofrata, dahil ito naman umano ay alinsunod sa income tax provision ng tax code.
Kaugnay nito, tinanggap din ng Committee on Labor ang amendments sa panukalang substitute bill, na batay sa HB 3738, ay naglalayong protektahan ang karapatan ng mga freelancers, na ang bilang ay inaasahang dadami pa sa harap ng pagtransition ng bansa sa digital economy.
