Naniniwala si House Deputy Majority Leader Janette Garin na hindi na kailangang mangibang-bansa ng mga Pilipino kapag nagbukas nang husto ang ekonomiya.
Ayon kay Garin, mas lalawak ang oportunidad sa Pilipinas kapag naamiyendahan ang economic provisions ng 1987 Constitution.
Sa pagpapatuloy ng sesyon sa Committee of the Whole para sa Resolution of Both Houses Number 7, kinumpirma ni CoRRECT Movement Principal Co-founder Orion Dumdum na matutugunan ng economic constitutional reform ang madalas na paghahanap ng oportunidad ng mga Pinoy sa Singapore, Europe at Amerika.
Punto ni Garin, kung bubuksan ang ekonomiya para sa research at iba pang larangan ay hindi malayong umuwi sa bansa ang mga talentadong scientists, engineers at professionals.
Marami rin aniyang medical professionals ang pinipiling magtrabaho sa labas ng Pilipinas dahil sa kakulangan sa oportunidad sa industriya na dapat ay kapantay ng nasa ibang bansa.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority, tinatayang 1.96 million Filipinos ang nagtrabaho abroad mula Abril hanggang Setyembre noong 2022 na katumbas ng 7.6 percent na pagtaas mula sa 1.83 million sa kaparehong panahon noong 2021.