CAMARINES NORTE- Sisimulan na ng Commission on Elections ang pamamahagi ng honorarium ng mga gurong nagsilbi sa eleksyon sa bayan ng Basud mamayang hapon.
Sinabi sa Brigada News FM Daet ni Election Officer IV Virgilio Veras na ito naman talaga ang kanilang pangako sa mga guro na anumang oras matapos ang eleksyon ay asikasuhin agad ito upang maipamahagi.
Ayon kay Veras kung kinakailangang mag overtime ang Comelec ay kanila itong gagawin dahil batid umano ng komisyon ang sakripisyo at pagod ng mga guro.
Mayroon na umanong pondo pero hindi agad- agad naimapamahagi dahil kinailangan pang tapusin ang mga isusumiteng reports na may kaugnayan sa katatapos lang na halalan.
“Kung kinakailangang mag- overtime kami gagawin namin dahil kawawa naman itong mga ano natin itong mga Electoral Board na nagsilbi nung nakalipas na May 9 nakita naman natin yung mga pagod nila, yung mga sakripisyo at kelangan naman na masuklian ito sa pamamagitan ng kaagarang pagbibigay nung kanilang honoraria nung nakalipas na eleksyon.”
Kung maalala ay unang inihayag ng DepEd Election Task Force na ngayong linggo pa lang mabibigyan ng honorarium ang mga gurong nagsilbi sa halalan habang ang iba naman ay nabayaran na bago pa man ang election duty tulad na lamang sa Capalonga.
Ipinaliwanag naman ni Veras kung bakit may nauna at nahuli sa pamamahagi ng honorarium.
Aniya, depende ito sa pagre- release ng pondo ng kanilang head office.
“Maaaring ang dahilan nito ay hindi rin kami sabay- sabay na nakatanggap ng pondo mula sa aming punong tanggapan.”
Ayon sa Comelec nasa 153 guro ang nagsilbi bilang Electoral Board sa katatapos lang na halalan hindi pa kasama ang DepEd Supervisor Official at iba pang staff.
Kaya tinatayang nasa mahigit kumulang 200 ang kailangang bayaran ng Comelec.
